Sanaysay sa Buwan ng Wika: Sa aking mga kapwa mamumundok

Isinulat ni Gideon Lasco noong Mayo 30, 2012 para sa okasyon ng Buwan ng Wika, 2012.

Sa unang tingin ay mamumukhaan na natin ang bawat isa, lalo na kung kapwa tayo naghihintay ng bus sa terminal. Lalong lalo na kung ang terminal na ito ay ang Victory Liner Terminal sa Baguio, na kapag linggo ng gabi ay parang kampo na natin — kulang na lang ay may magtirik ng tolda.

At syempre pa, sa suot pa lang: makukulay na damit kahit hindi naman Pasko, naglalakihang bag na may supot pang nakabalot, dog tag kahit di naman sundalo, tungkod kahit hindi naman pilay…at iba pang kakaibang gamit. Mabuti na nga lang at sanay na ang mga mamang guard ng LRT at MRT sa atin, kung hindi, isang bangungot ang aabutin sa mga estasyon ng tren tuwing Sabado ng umaga sa paghahalungkat ng ating mga bitbitin.

Madaling makita ang isang mamumundok, kung ang pagbabasihan ay itsura. Ang tanong: Ano nga bang ang kahulugan ng pagiging isang mamumundok?

Ito’y mahirap na tanong. (Sabay lingon muna sa tanawin upang mag-isip — ako’y nakasakay sa isang tren dito sa Japan habang sinusulat ko ang sanaysay na ito)

Siguro, umpisahan natin sa pinakamadali: Syempre, pag sinabing mamumundok, mahilig umakyat sa bundok. Maraming taong umaakyat sa bundok – gaya ng mga katutubo na umaakyat upang maghanap-buhay, o mga rebelde na umaakyat ng bundok upang maghimagsik. Ngunit tayo ay umaakyat ng bundok dahil tayo ay may ‘hilig’ sa pag-akyat. Anumang magagara o astig na pananalita sa wikang Ingles o maski na Latin ay iyon lamang ang kahulugan ng mga ito sa madaling salita.

Natural, marami pang ibang dahilin ang bawat tao kaya umaakyat — ang iba, para abangan ang pagsikat ng araw; ang iba naman, para magkaroon ng magandang larawan sa Facebook. May iba rin na para makamit ang iba’t ibang uri ng ‘high’ (at huwag na natin itong halungkatin) at may iba naman na hindi parin alam kung bakit nga ba sila umaakyat, alam lang nilang gustong gusto nila ito.

Marami nga talagang dahilan sa pag-akyat; maraming dahilan sa kagustuhang umakyat. Ngunit, sapat na ba ito upang ilarawan kung ano ang ginagawa natin? Oo, ito ay unang ugat ng lakas at gana na umakyat. Pero kailangan nating maghanap ng iba pang pagbabasihan upang mas malinaw nating maibahagi kung ano ba talaga ang isang mamumundok o ‘mountaineer’.

Sa aking pananaw, “Respeto” ang buod ng diwa ng pagiging isang mamumundok. Kung hindi man, ito ay aking nais.

Una, respeto sa sarili. Pag sinabing respeto sa sarili, ito ay pagpapahalaga sa dangal ng ating pagkatao at kaligtasan ng ating katawan. Ito ay ang pag-iwas sa anumang bagay na makaka-kompromiso sa dangal na ito (kagaya ng pagiging makalat sa bundok, o pagiging mapanira sa kapwa), at patuloy ng pagtuklas kung paano makakasiguro na ligtas at responsable ay ating gagawing pag-akyat. Kasama na dito ang pagsasailalim sa gabay ng mas nakakaalam ng mamumundok kung paano ba maging ligtas, kung paano hindi makasira sa kalikasan, at kung paano palakawin ang karanasan upang makarating sa mas mataas, mas mahirap, o mas malayong mga bundok.

Pangalawa, respeto sa kalikawan. Para sa akin, ang marka ng isang mountaineer ay hindi lamang ang pagmamahal sa pamumundok, bagkos, pati ang pagmamahal sa mga bundok.Ang dalawang pagmamahal na iyon ay isang tambalan: kung mahal mo ang isang bagay o tao, ito’y palagi mong dadalawin.

Pangatlo, at panghuli, respeto sa kapwa. Mahalagang magkaroon ng kaalaman tungkol sa bundok — anong gagawin kapag nawala ka, paano hindi mawala, paano mag-impake ng maayos, at iba pa. Ngunit may mas “basic” pa sa “basic mountaineering course” at ito ay pag-respeto sa kapwa. Huwag tayong maging marahas sa paghuhugsa ng iba. Tandaan natin na ang pag-akyat sa bundok ay. Iba’t iba ang estilo. Kanya-kaniyang trip yan. May mga mamumundok na nagmamadali sa pag-akyat, akala mong may kandila sa puwet. May iba naman na mabagal pa sa suso ang pag-akyat. May ibang mamumundok na akala mo’y magtatayo ng restaurant sa bundok, kulang na lang ay magdala ng pandikdik ng bawang. Meron namang meals-ready-to-eat o MRE lang ang dala. Ang mga bagay na ito ay hindi na dapat pang pag-initan ng tingin o pag-tuunan ng pansin, sapagkat kaya nga mayroon tayong tinatawag na ‘kalayaan ng kalikasan’ ay dahil tayong nagbibigay laya sa bawat isa, at nagbibigay laya rin sa kalikasan.

Kapag taglay natin ang tatlong pag-respeto na ito, na kaakibat ang pagmamahal sa mga bundok at pagmamahal sa pamumundok, taas-noo at buong-puso nating madadala ang bandila ng pagiging ‘mountaineer’. At kung sa tingin natin ay nagampanan na natin ito, panahon naman upang ibahagi ang ating karanasan at karunungan sa ibang tao. Sa gayon, tayong magiging isang ganap na komunidad ng mga mamumundok na may iisang layon at iisang boses. Ang boses na ito ay maaari nating magamit upang udyukin ang gobyerno na mas ingatan pa ang ating kalikasan at upang anyayahan ang ibang tao – Pinoy o dayuhan man – na maranasan din ang pag-akyat sa ating magagadang kabundukan.

Tulad ng mga bundok na hindi natitinag, tayo’y manatili sa pagiging totoo at may respeto sa ating sarili, sa kalikasan, at sa kapwa.

Sa pangwakas, nais kong ibahagi ang aking pasasalamat sa lahat ng aking kapwa mamumundok na naging bahagi ng aking mga karanasan sa pag-akyat at pag-hikayat (sa pamamagitan ng aking website), sa madaling salita, naging bahagi narin ang aking buhay. Salamat sa inyong oras, payo, suporta, pakikisama at pagsubaybay. Kayo’y inspirasyon ko upang magpatuloy. Bagamat ang ating mga hakbang ay maliliit lamang, kung tayo’t patuloy lang nang patuloy, siguro ay malayo rin ang ating mararating.

Mabuhay ang mga mamumundok! Alam kong tayo’y magkikita-kita muli. Ako’y umaasa na marami pang tagumpay at masasayang karanasan ay ating dadatnan. Kailan ang susunod na akyat?

Gideon Lasco
Inumpisan sa Aomori, Japan at tinapos sa Iloilo City.
May-July, 2012

Facebook Comments

Leave a Reply

1 Comment on "Sanaysay sa Buwan ng Wika: Sa aking mga kapwa mamumundok"


Guest
12 years 4 months ago

Maraming dugo ang ibinuwis para magamit natin ang sariling wika, karamihan sa mga bayaning nakipaglaban para dito ay namuhay at nakipagdigmaan sa mga bundok. Mukhang mas maganda ngang gamitin ang "magandang uamaga" kaysa "good morning" sa mga mamumundok. Samahan pa natin ng ngite!

~joni 🙂