Hiking matters #365: Kwentong Marami

Ang maputik na maputik na daan ng Mt. Marami

Minsan lang ‘to: Aking isasalaysay ang aming pag-akyat sa Bundok Marami sa wikang atin. Gaya ng alam ninyo, ngayon ay Buwan ng Wika at magandang sariwain ang ating pagmamahal sa ating wika sa pagsusulat. Noong huling taon, ako’y nagsulat ng dalawang sanaysay upang ipagdiwang din ang Buwan ng Wika – basahin dito. Maligayang pagbabasa!

Kahapon, umakyat ako sa Bundok Marami kasama ng aking mga kaibigan. Limang taon na noong huli kong akyatin ang bundok na ito (tingnan sa Hiking matters #19). Kakasimula pa lang ng PinoyMountaineer noon, at marami akong alaala sa akyat na ‘yon. Hindi pa nga kami nakakapag-umpisang umakyat ay naligaw na kami at napaderetso ang dala naming sasakyan sa isang daang maputik. Lingid sa aming mga kaalaman, gayun din ang magiging tadhana namin sa pag-akyat! 
At heto pa: Noong kami ay malapit na sa tuktok ng bundok, at walang makita dahil puro ulap, biglang may sumulpot na baka, lumapit sa akin, at dinilaan ang aking pisngi! Dahil hindi pa sikat ang Marami noong panahon na ‘yon, hindi rin pala alam ng guide namina ng daan, at napilitan akong maghanap ng daan paakyat, buti na lang at natagpuan ko ito! At hindi rin namin malilimutan ang paglusong sa abot-baywang na tubig ng Ilog Bangkaan: Pinagpawisang maigi ang dalawa kong kasamang may mga dalang SLR!

Bakit ko nga ba naisipang bumalik sa Bundok Marami, lalo na’t tag-ulan at siguradong magiging maputik? Sa totoo lang, ‘di ko rin alam kung anong pumasok sa isip ko. Siguro, para maiba naman. Matagal na rin ang lumipas, baka may mga pagbabago na sa bundok, at nakakasawa naman kung puro na lang Maktrav at Batulao na naman ang makikita ninyo sa website na ito.
Kaya kahapon, ako’y ginising ng maaga ng aking alarm clock at nagtungo sa Mt. Marami. Mula sa aking bahay sa Los Banos, dinaanan ko si Jan Pambid sa Calamba at aming tinagpo ang iba naming kasama sa Naic, Cavite bago kami dumeretso sa umpisahan ng akyat sa Maragondon. Kasama namin ang aking kababata na si Jenny, at ang aking mga kaibigang sila Coby, Ivan, Pam, at Elijah.
Hindi pala kami sa Brgy. Ramirez nag-umpisa. Bagkos, sinubukan namin yung daan mula sa Brgy. Talipusngo, na iminungkahi ni Ivan dahil konti lang daw ang ilog na madadaanan dito, at mas maiksi. (Huwag kayong mag-alala gagawa ako ng itinerary para dito). Malaki ang tiwala ko sa kanya dahil siya ay mas adik pa sa bundok kaysa akin! (basahin ang kanyang blog para maniwala kayo). Gaya ng inaasahan, ang daan ay maputik. At bawal din magmuni-muni habang naglakakad dahil baka maka-apak ng ebak!
Pero may hangganan din ang maputik na daan, at pagkatapos ng mahigit na dalawang oras ay kami’y nakarating sa Nuestra Senyora – isang maliit na simbahan at maaring ituring na kalagitnaan ng daan. Mula dito, kailangang tumawid ng dalawang beses sa Ilog Bangkaan, at mabuti na lamang at mababaw lamang ang tubig dito. Paglampas ng mga sapa ay kami’y nakarating din sa medyo magubat na bahagi ng daan, bagamat maputik parin.
Sa ika-4 na oras ng pag-akyat ay kami’y nakarating na sa talahiban – o damuhan. Kahit papaano, may nakita naman kaming tanawin at nasulyapan pa namin ang Bundok Makiling. Derederesto lang at narating din namin ang Kawayanan – isang maiksi at magubat na bahagi ng bundok na may umaagos na tubig na pwedeng magsilbing kuhanan ng tubig-inumin. At mula doon, sa wakas, makalipas ang halos limang oras ay narating namin ang tuktok ng Bundok Marami. Maulap parin pero presko at nakakapagbigay-sigla ang hangin. Doon narin kaming nananghalian, sa mga bato-bato. 
Pagkatapos ng 30 minuto ay kami’y nag-umpisa nang pumanaog. Napakahabang lakaran muli. Parang Mt. Makiling, kapag pababa ka na mula sa isang Maktrav ay pakiramdam mo minsan ay walang hangganan ang lubak-lubak na daan papuntang UP College of Forestry. Inabot parin kami ng mga tatlong oras sa pagbaba. Malaki ang aming tuwa noong nakita na namin ang sementadong highway sa barangay!   
Bakit nga Marami ang tawag sa Bundok Marami? Maraming putik? Maraming bato? Maraming ligaw? Anumang sa mga iyon, bawat akyat sa bundok na ito ay tiyak na magbibigay ng maraming alaala at maraming kuwento. Babalikan ko ba ang bundok na ito? Siguro…pero huwag muna sa tag-ulan! 
At dito nagwawakas ang aking kuwentong Marami. Maraming salamat sa aking mga kasama at sa mga sumubaybay sa aming lakad! Sa uulitin!

Facebook Comments

Leave a Reply

3 Comments on "Hiking matters #365: Kwentong Marami"


Guest
11 years 2 months ago

Sir, Kayo pala yung nasalubong namen nung pababa na kami last monday AUg. 26.. Around 11am ata yun. I saw your pics.. Garbe talaga ang putik. Pero one of the best adventure na hindi ko malilimutan ang bundok ng Mt. Marami. :))

Guest
11 years 2 months ago

Nakakapanibago at maganda ang iyong pagsalaysay. Natutuwa ako sa iyong paglalahad ng pag-akyat sa Marami sapagkat halos magkapareho lang ang ating natunghayan mula sa pag-akyat nito; at isang linggo pa lamang ang lumipas noong aking inakyat ito.

Totoong napakaputik! Na ang aking sapatos ay napuno nito at naiiwan ang sapatos ko sa putik habang inaangat ko ang aking paa mula sa paghakbang.

Ang pagakyat mula sa Barangay Talipusngo ay mas mahaba ngunit dire-diretso hanggang sa Nuestra Senora Dela Paz. Mas maiksi pa rin po sa Ramirez. Dalawang beses ka pa rin tatawid sa ilog na ito (Ilog ng Nuestra Senora)ngunit di mo na kailangan tawirin ang ilog ng Maragondon-Magallanes na mas malawak at masmalalim kapag may bagyo. Maligayang pag-akyat ng bundok sa iyo!

Ang aking paglalahad ng karanasan sa pag-akyat sa Marami
http://www.s1expeditions.com/2013/08/095-marami-cavite.html

Guest
11 years 2 months ago

Nakakapanibago at maganda ang iyong pagsalaysay. Natutuwa ako sa iyong paglalahad ng pag-akyat sa Marami sapagkat halos magkapareho lang ang ating natunghayan mula sa pag-akyat nito; at isang linggo pa lamang ang lumipas noong aking inakyat ito.

Totoong napakaputik! Na ang aking sapatos ay napuno nito at naiiwan ang sapatos ko sa putik habang inaangat ko ang aking paa mula sa paghakbang.

Ang pagakyat mula sa Barangay Talipusngo ay mas mahaba ngunit dire-diretso hanggang sa Nuestra Senora Dela Paz. Mas maiksi pa rin po sa Ramirez. Dalawang beses ka pa rin tatawid sa ilog na ito (Ilog ng Nuestra Senora)ngunit di mo na kailangan tawirin ang ilog ng Maragondon-Magallanes na mas malawak at masmalalim kapag may bagyo. Maligayang pag-akyat ng bundok sa iyo!

Ang aking paglalahad ng karanasan sa pag-akyat sa Marami
http://www.s1expeditions.com/2013/08/095-marami-cavite.html